PAGTATAKDA NG “DENGUE PREVENTION MONTH” SA NUEVA ECIJA, IMINUNGKAHI DAHIL SA PAGDAMI NG KASO
Tumaas ng 139% ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Nueva Ecija kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa ulat ng Provincial Health Office (PHO) sa isinagawang 11th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan.
Batay sa ulat, kabuuang 8,581 kaso ng dengue ang naitala mula Enero 1 hanggang Oktubre 20, 2025, sa pamamagitan ng mga disease reporting units ng probinsya, sa bilang na ito, 28 ang nasawi mula sa iba’t ibang bayan at lungsod.
Pinakamataas ang kaso sa Cabanatuan City (1,750), na sinundan ng Guimba (402), City of Palayan (397), General Tinio (379), Cabiao (339), Santa Rosa (338), Talavera (283), Lupao (279), Zaragoza (277), at San Jose City (265).
Ayon kay Dr. Christian Salazar, Acting Provincial Health Officer, karamihan sa mga pasyente ay nasa edad 5 hanggang 9 taong gulang (21%), habang 60% ay mga lalaki.
Aniya, nagiging hamon ito sa mga ospital, lalo na sa mga private hospitals na may ICU, dahil sa delay sa pag-transfer ng mga pasyente.
Upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue, isinasagawa ng PHO ang mga sumusunod na hakbang:
Lingguhang feedback ng mga kaso at pagkamatay sa lahat ng LGUs;
Paglalaan at pamamahagi ng larvicides, adulticides, at treated screens;
Fogging at misting operations sa mga lugar na may clustering ng kaso, kabilang ang mga paaralan sa loob ng 200-meter radius mula sa apektadong lugar;
Information dissemination sa mga paaralan, komunidad, radyo, at social media;
Search and destroy activities na pinangungunahan ng mga Sanitary Inspector at mga LGU.
Ipinunto rin ni Dr. Salazar ang kahalagahan ng tamang proseso sa fogging, na bago mag-fogging, kailangang may ocular inspection muna at may coordination sa barangay upang maiwasan ang aksidente at masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Bukod sa dengue, iniulat din ng PHO ang 498 kaso ng influenza-like illness (ILI) mula Enero hanggang Oktubre 2025, kung saan 60% na mas mababa kumpara sa 2024.
Ayon kay Dr. Salazar, ito ay bunga ng mas maagang pagtugon ng public health sector, dala ng karanasan sa panahon ng pandemya.
Bilang bahagi ng preventive measures, nagkaroon ng preposition ng oseltamivir sa mga LGU at patuloy ang monitoring ng mga kaso.
Dahil dito, inirekomenda ni Board Member Baby Palilio sa Committee on Health ang pagbuo ng ordinansa na magtatakda ng “Dengue Prevention Month” kada taon upang mapanatili ang kalinisan at maiwasan ang pagdami ng kaso kahit walang outbreak.
Suportado ito ni Dr. Salazar, na nagmumungkahi ng ordinansa para gawing regular ang mga fogging at preventive programs sa buong lalawigan.

