PAG-IBIG MP2 SAVINGS, PWEDENG MAKUHA BAGO ANG 5-TAONG MATURITY!

Maaaring makuha ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund ang kanilang Modified Pag-IBIG 2 (MP2) Savings kahit hindi pa tapos ang limang taong maturity period, ayon sa pinakahuling paalala ng ahensya.

Layunin ng programang MP2 na hikayatin ang mga Pilipino na mag-ipon nang boluntaryo at kumita ng mas mataas na dividend rate kumpara sa regular Pag-IBIG savings.

Maaaring maghulog ng P500 pataas bawat buwan o isang bagsakan (lump sum), at ang ipon ay lalago sa loob ng limang taon.

Maaaring mag-enroll online sa Virtual Pag-IBIG website sa pamamagitan ng paglagay ng Pag-IBIG Membership ID (MID) number, personal na impormasyon, at pagpili ng paraan ng pagbabayad.

Maaari rin itong gawin nang personal sa pinakamalapit na sangay ng Pag-IBIG, kung saan kailangang magsumite ng MP2 Enrollment Form, valid ID, at patunay ng kita.

Ang hulog ay maaaring bayaran online gamit ang credit o debit card, GCash, o sa mga partner outlets gaya ng 7-Eleven at Bayad Center.
Para naman sa mga empleyado, maaari itong ipa-deduct direkta mula sa kanilang payroll.

Nilinaw ng Pag-IBIG Fund na maaaring i-withdraw ng isang miyembro ang kanyang MP2 savings kahit hindi pa tapos ang limang taong maturity period, depende sa dahilan.

Sa isang panayam sa telepono kay Reigh Luis Pasaraba, Branch Head ng Pag-IBIG Fund Cabanatuan City, sinabi niyang layunin ng ahensya na gawing mas accessible at flexible ang MP2 Savings, lalo na para sa mga miyembrong biglang nangangailangan ng pondo.

Ayon sa Pag-IBIG, ang mga miyembrong may valid reason ay makakakuha ng buong dividend o 100% ng kinita ng kanilang ipon. Kabilang sa mga tinatanggap na dahilan ang mga sumusunod:

-Total disability o malubhang sakit ng miyembro o kaanak
-Pagkawala ng trabaho o pagsasara ng kumpanya
-Retirement o permanenteng pag-alis ng bansa
-Kamatayan ng miyembro o immediate family member
-Repatriation ng OFW
-Iba pang meritorious grounds na aprubado ng Pag-IBIG Board

Kung wala sa mga nabanggit na dahilan, maaari pa ring i-withdraw ang ipon, ngunit kalahati lamang ng dividend ang matatanggap ng miyembro.

Sa pagtatapos ng panayam, hinikayat ni Sir Reigh Pasaraba ang publiko na samantalahin ang pagkakataong mag-ipon sa ilalim ng Pag-IBIG MP2 Savings Program, lalo na’t papalapit na ang year-end bonus ng mga empleyado ng gobyerno.

Sa pamamagitan ng MP2 Savings, binibigyan ng Pag-IBIG Fund ang bawat Pilipino ng pagkakataong mag-ipon nang may seguridad at mas mataas na kita, habang nananatiling bukas ang opsyon na magamit ito sa oras ng pangangailangan.