‘EXTENSION ON WHEELS,’ AARANGKADA PARA MAGHATID NG MAKABAGONG KAALAMAN SA MGA MAGSASAKA
Inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang “ATIng Extension on Wheels” o ang isang mobile learning hub program na layong dalhin mismo sa mga komunidad ang makabagong kaalaman, teknolohiya, at pagsasanay sa agrikultura.
Sa pamamagitan ng “ATIng Extension on Wheels” ng Agricultural Training Institute (ATI), mag-iikot ang mga mobile learning hubs sa iba’t-ibang probinsya ng bansa upang magsagawa ng on-site training, demonstration, at livelihood workshops para sa mga magsasaka at mangingisdang hirap makapunta sa mga extension offices ng gobyerno.
Sa unang batch, limang rehiyon ang mabibigyan ng mobile learning hubs na kinabibilangan ng Cagayan Valley, Central Luzon, Western Visayas, Northern Mindanao, at SOCCSKSARGEN.
Ang mga ito ay magsisilbing roving classrooms na may kumpletong kagamitan tulad ng multimedia tools, training kits, at iba pang materyales para sa hands-on learning.
Sa naganap na launching noong October 28, 2025 sa ATI Building, Quezon City sinabi ni DA Undersecretary for Rice Industry Development Christopher Morales, na mahalagang maabot ng mga programa ng ahensya ang mga nasa malalayong komunidad upang madagdagan ang ani at kita ng mga magsasaka.
Sa pamamagitan ng Extension on Wheels, inaasahang mas maraming magsasaka at mangingisda partikular sa Gitnang Luzon ang matutulungan sa larangan ng modern farming techniques, digital agriculture, at livelihood development.

