PANUKALANG IPAGBAWAL ANG PAGTANGGI SA MGA SENIOR SA HMO COVERAGE, INIHAIN SA KAMARA
Isinusulong ni Senior Citizens party-list Rep. Rodolfo Ordanes ang House Bill 2722 o “Anti-Age Discrimination in Health Care Services Act” na naglalayong tiyakin na may patas na access sa health care services ang mga senior citizen sa bansa.
Sinabi ni Ordanes, kahit may umiiral na Expanded Senior Citizens Act (RA 9994), marami pa ring matatandang Pilipino ang nabibigong makakuha ng health coverage mula sa mga health maintenance organizations (HMOs) dahil sa mga patakaran na may kinalaman sa edad.
Ilan sa mga reklamong natatanggap ay ang pagtanggi sa application ng senior, pagtatakda ng age limit, o kaya naman ay mataas na premium at limitadong benepisyo.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal sa HMOs at kanilang partner health providers ang pagtatakda ng age ceiling para sa enrollment o renewal, pati ang pagbawas ng benepisyo o hindi makatarungang pagtaas ng premium base lamang sa edad.
Kailangan umanong may malinaw na actuarial basis o risk assessment bago magtakda ng presyo at coverage, hindi dapat awtomatiko ang diskriminasyon dahil lamang sa pagtanda.
Binigyang-diin ni Ordanes na ang layunin ng panukala ay hindi lamang tulungan ang mga senior citizen, kundi ayusin din ang mismong sistema upang mas maging patas, abot-kaya, at makatao ang mga serbisyong pangkalusugan sa bansa.
Samantala, ayon kay Ronal Gosuico, Spokesperson ng Senior Citizen sa Nueva Ecija, malaking tulong ang ganitong programa kung sakaling maisasabatas ito para sa mga lolo at lola.
Samantala, ikinatuwa ng ilang senior citizen groups sa Nueva Ecija ang naturang panukalang batas at sinabing makatutulong ito upang mas maging madali at patas ang pagkuha ng health coverage.

