KAGAWAD, LUMUSONG SA KANAL; WALANG UTOS PERO TUMRABAHO, KAYA NETIZENS, SUMALUDO
Viral ngayon sa social media si Kagawad Romeo David ng Brgy. Moras Dela Paz, Santo Tomas, Pampanga, matapos lumusong sa baradong drainage at linisin ito mag-isa, kahit walang nag-utos sa kanya.
Makikita sa video na ibinahagi ni Cherrilyn Sanchez na hanggang dibdib ang tubig-kanal habang nakalublob si Kagawad David, gamit lamang ang kanyang mga kamay sa pag-alis ng mga kalat, putik, at bara sa drainage, habang nasa tabi niya ang pala at maliit na kartilya.
Ayon sa mga residente, hindi ito unang beses na nakita nilang nagsusumikap si Kagawad Romeo, dahil araw-araw umano siyang naglilinis ng mga kanal at ng paligid ng barangay kahit walang kamera o utos mula sa iba.
Umani na ng mahigit 800,000 views, 4,900 reactions, at higit 700 shares ang naturang video sa Facebook, kung saan bumuhos ang mga papuri mula sa mga netizen, ilan sa mga komento na isinalin sa tagalog:
“Maasikaso si Kagawad! Masipag siya, ganyan dapat ang ugali ng isang lingkod-bayan”.
May nagsabi namang “Araw-araw po ganyan ang ginagawa niya, nililinis niya ang buong Moras at siya rin ang nagpuputol ng damo. Ang galing mo, Kagawad Romeo David!”, habang ang isa ay nagsabing, “Sana po lahat ng mga opisyal ay gaya niya. May edad na si Kagawad, pero patuloy pa ring kumikilos at nagsusumikap!”
Marami ang humiling na sana ay maging inspirasyon si Kagawad David sa iba pang mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan, na sa halip na puro salita, ay kumilos mismo para sa kalinisan at kapakanan ng komunidad.

