Inihain ni Board Member Baby Palilio sa ika-13th regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang ordinansang may titulong “Regulating the Installation and Maintenance of Telecommunication Wires, Power/Electrical Lines/Wires, Cable Wires and Other Utilities within the Province of Nueva Ecija and Providing penalties of Violation Therefor”.

Inihayag ng proponent ng ordinansa na si Bokala Palilio ang panganib na maaaring maidulot ng “spaghetti wires” o buhol-buhol na linya ng mga kompanya ng telekomunikasyon, kuryente, at iba pang utilities sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay Bokala Palilio, napukaw ang kaniyang atensyon nang makita niya ang mga nakaladlad na linya o kable sa gilid ng kalsada, na kung hindi maaaksyunan ay maaaring bumigay ang mga poste na kinalalagyan ng mga ito sa loob ng 5-10 taon.

Inaprubahan naman ng Sangguniang Panlalawigan sa unang pagbasa ang titulo ng isinusulong na ordinansa.

Ito ay katulad din sa ‘Anti-spaghetti wire ordinance’ ng ilang mga lalawigan tulad ng Metro Manila, Cagayan De Oro, at Davao City.

Layunin nito na mapanatili ang kaayusan ng mga linya at kable at masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Ang sinumang lalabag sa nasabing ordinansa ay mayroong karampatang parusa.

Ani Bokal Palilio, plano nilang magkaroon ng pagpupulong kasama ang mga service provider at mga kompanya ng telekomunikasyon upang mapag-usapan ang mga hakbang na kinakailangang gawin para sa pagsasa-ayos ng mga kawad ng kuryente at iba pang utility lines.