Patuloy na naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot sa mga ulat ng umano’y destabilisasyon laban sa kanyang administrasyon.
Ayon sa Pangulo, hindi na kailangang magsagawa ng loyalty check sa hanay ng mga pulis at AFP, basta’t siguraduhin lamang ng mga ito na ginagawa nila nang maayos at tama ang kanilang mga trabaho.
Ito ay sinabi ni Pangulong Marcos sa naganap na distribusyon ng PHP 110 million financial assistance sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño sa General Santos, South Cotabato at Saranggani Province.
Nanindigan din si Pangulong Marcos na hindi siya nakakita o nakatanggap ng mga ulat ng di umano’y pagkakasangkot ng mga opisyal ng PNP at AFP sa paninira ng kanyang pamumuno.
Panawagan din ng Chief Executive na ipagpatuloy ng mga pulis at militar ang kanilang sinumpaang tungkulin at isantabi ang politika.
Samantala, sa kanyang pagbisita sa General Santos ay siniguro ng Pangulo na patuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng El Niño.

