Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kagustuhan ng French government na makiisa sa military exercises sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Pangulong Marcos, ang interes ng ibang bansa na makiisa ay nagpapahiwatig ng suporta ng international community sa pinaninindigang soberanya ng Pilipinas sa WPS.
Sa kanyang panayam sa naganap na distribusyon ng financial aid sa General Santos City, nagpasalamat ang Pangulo sa natatangap na suporta mula sa iba’t-ibang bansa sa kabila ng mga pagsubok sa pinagtatalunang teritoryo.
Labis umano ang kanyang pasasalamat sa iba’t ibang bansa na handang tumulong kahit nanggagaling pa sa malalayong lugar.
Aniya, kapag nagkakaroon ng problema ay nakasuporta ang mga ito hindi lamang sa salita kundi maging sa kanilang ipinapatawag na joint cruises.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng suporta mula sa international community dahil nagkaroon ng kalayaan sa paglalayag sa WPS, at hindi maaapektuhan ang pandaigdigang ekonomiya.

