NUEVA ECIJA, GRAND SLAM SA SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE NG DILG

Grand Slam o tatlong magkakasunod na taong nasungkit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Anthony Umali ang Seal of Good Local Governance, isa sa pinakamataas na pagkilala sa kahusayan at katapatan ng mga namumuno sa lokal na pamahalaan, na iginagawad ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Pinatunayan at ipinamalas ng Pamahalaang Panlalawigan ang kanilang mahusay at matapat na pamamahala noong 2015 at 2018 kaya nakatanggap ng naturang pagkilala ang Nueva Ecija at muli itong ipinagpatuloy at mas pinaghusay kaya muling natanggap ang parangal noong 2022, 2023 at ngayong kasalukuyang taong 2024.

Sa ilalim ng liderato ni Governor Oyie ay ito na ang limang pagkakataon na makatanggap ng pagkilala ang lalawigan pagdating sa mahusay na pamamahala.

Pormal nang tinanggap ng punong lalawigan ng may pagmamalaki ang parangal kahapon.

Ang nasabing parangal ay taunang iginagawad ng DILG sa mga lokal na pamahalaang nagpamalas ng katangi-tanging paglilingkod sa sambayanan at sumusukat sa kanilang kakayahan sa pamamahala ng pananalapi.

Itinataguyod din nito na maging accountable ang mga namumuno sa pampublikong pondo.

Kabilang din sa mga nakatanggap ng parangal ang 4 na lungsod at 19 na munisipalidad sa lalawigan.

Samantala, pinukpukan sa 41st Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang pagkakaloob ng Php1.2 million na insentibo para sa Bayan ng Talavera na kabilang sa nakapasa sa 2023 Seal of Good Local Governance bilang counterpart at financial assistance ng pamahalaang panlalawigan.

Ang bawat bayan na mapapabilang sa awardee ay may karapatang mamili ng mga proyektong nais nilang paglaanan ng kanilang matatanggap na insentibo mula sa DILG at Provincial Government.

Ilalaan ng Pamahalaang Bayan ng Talavera ang financial assistance sa pagpapagawa ng farm to market road sa Barangay Sampaloc.