PHP 365 MILLION, HALAGA NG SAGING NA NAKA-DUCK TAPE SA PADER, NAIBENTA SA AUCTION

Dito sa Pilipinas ang saging ay nasa bente pesos ang isang piraso, kapag per kilo bibilhin ay halos nasa sampung piso lang naman ang isa nito.

Pero alam nyo ba na may isang piraso ng saging na nakadikit ng duct tape sa pader ang naibenta sa isang auction sa Amerika sa halagang $6.2 million o nasa PHP 365 million sa pera natin?

Ang Banana Duct Tape ay bahagi ng conceptual artwork ng Italian visual artist na si Maurizio Cattelan, na may titulong “Comedian.”

Nagsimula lang sa halagang $800 thousand ang bidding sa Sothebys Auction house sa New York City ngunit pagkatapos ng 10 minutong pagbi-bid, na sinimulan ni Justin Sun ay naibenta ito sa halagang $5.2 milyon at dagdag na $1 milyon sa mga bayarin sa auction house.

Ang final bid price ng isang Chinese collector at founder ng isang cryptocurrency platform celebrity na si Justin Sun ang nanalo sa auction.

Matapos manalo sa bidding ay binigyan si Sun ng certificate of authenticity na ibig sabihin, siya lang ang pwedeng mag duct tape ng saging sa pader na Tatawaging ‘COMEDIAN’.

Sa ulat ng The New York Times, sinabi nito na ang saging na naka-display sa auction ay binili mula sa isang fruit stand sa halagang $0.35 sa Upper East Side ng Manhattan.

Para sa marami lalo na sa mga mahihirap, hindi nila maintindihan ang kahulugan bakit ganon kamahal ang presyo ng isang saging na idinikit ng isang duct tape.

Pero para kay Justin Sun na bumili nito, ang ‘COMEDIAN’ ay kumakatawan sa isang kultural na kababalaghan na nag-uugnay sa mga mundo ng sining, memes, at komunidad ng cryptocurrency.

Sa mga darating na araw, ayon kay Sun ay personal niyang kakainin ang saging bilang bahagi ng natatanging artistikong karanasan at parangalan ang lugar na ito sa kasaysayan ng sining at sikat na kultura.

Samantala tinupad na ng bilyonaryong negosyante mula sa China ang pangako, dahil kinain na nya ang biniling conceptual art piece na saging na dinikit sa pader gamit ang duct tape sa halagang $6.2 million o PHP 365 million, kinain nya ito sa isang news conference sa Hong Kong.

Sa pahayag ni Sun noong November 29 sinabi nito na pwede ring maging bahagi ng art work history ang pagkain nya ng saging na ito.