CREW SA ISANG FAST FOOD, NAPATALON SA TUWA HABANG ON DUTY NANG PUMASA SA LET
Napatalon, napakaway, napasandal, at kalaunan ay napaluha sa kasiyahan ang Novo Ecijanang si Lyka Jane Nagal na isang service crew sa isang fast food sa Cabanatuan City, nang malaman niyang nakapasa siya sa Licensure Examination for Teacher.
Makikita sa viral video na inupload ni Caizer John Lumibao na ngayon ay umabot na ng mahigit 1.6 million views ay makikita ang paglapit nito kay Lyka habang nakaduty upang silipin ang resulta ng eksaminasyon sa cellphone.
Nang makita ni Lyka ang kanyang pangalan sa listahan ng mahigit 68, 000 na pumasa sa board exam ng Professional Regulatory Commission (PRC) ay hindi na nito naitago ang kanyang kasiyahan.
Base sa ulat, nagtapos ang Novo Ecijana ng Bachelor in Secondary Education major in English sa Holy Cross College sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Habang nag-aaral ay naging service crew ito sa fast food upang itaguyod ang kanyang pag-aaral sa loob ng tatlong taon.
Kaya naman hindi na nito napigilan ang paglabas ng kanyang emosyon nang maipasa ang naturang eksaminasyon dahil lahat ng kanyang pagod at pagsisikap ay nagkabunga na.

