MAHIGIT SA P6.3 TRILLION 2025 NATIONAL BUDGET, KONTROBERSYAL NA AKAP, SINUSURING MABUTI NG BICAM

Pinag-aaralang mabuti sa Bicameral Conference Committee ang panukalang P6.352 trilyong national budget para sa 2025 na sinimulan na kahapon, November 28, 2024 sa Sheraton Hotel sa Pasay City.

Sa ginanap na Bicam, pagkakasunduin ng Senado at Kamara ang hindi magkatugmang probisyon ng kani-kanilang bersiyon ng 2025 Budget Bill tulad na lamang ang pagnanais ng ilang senador na dagdagan ang pondo ng Office of the Vice President kung saan nananatili pa rin sa P700 million ang OVP funds at ang kontrobersiyal na pondo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP ng Department of Social Welfare and Development na tinanggal ng Senado kamakailan.

Sinabi ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na layon nilang magpasa ng pambansang pondo ng balanse, makatwiran at pro-people kaya naman handa silang pakinggan ang mga punto ng house contingent para sa AKAP.

Habang ilalatag din ng mga senador ang rason kung bakit nila inalis ang P39 billion na pondo para sa AKAP at inilipat sa iba’t-ibang programa gaya ng pension sa mga senior citizen, livelihood programs ng mga magsasaka at iba pa.

Sang-ayon din ang Kamara na isantabi ang mga pagkakaiba ng dalawang kapulungan para sa mas makatwiran at mas matatag na pondo para sa susunod na taon.

Naging kontrobersiyal ang AKAP ng DSWD dahil hindi ito kasama sa bersyon ng Kamara at Senado ng panukalang national budget noong 2024 pero bigla na lamang lumutang sa bicam.

Dahil sa epekto ng mataas na inflation, ang AKAP ay nagsisilbing pantawid tulong sa mga minimum wage earner o sumasahod ng P21, 000 pababa kada buwan kung saan nakakatanggap sila ng hanggang P5,000 na onetime cash assistance.

Target na matapos ang Bicam sa December 9 upang mapapirmahan kay Pangulong Marcos bago mag-Pasko.