NUEVA ECIJA, MAY SARILI NANG MOBILE COMMAND CONTROL VEHICLE PARA SA PAG-RESPONDE SA KALAMIDAD

Pormal nag na i-turn over sa pamahalaang panlalawigan ang MOCCOV na personal na tinangap nila Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Chief Michael Calma at Provincial Tourism Atty. Joma San Pedro, mula sa Department of Science and Technology sa pamamagitan ni Provincial Director Leidi Mel Sicat.

Matatandaan na inaprubahan sa 12th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Department of Science and Technology Regional Office III para sa tulong pinansyal na nagkakahalaga ng Php16,800,000 mula sa 2024 Community Empowerment through Science and Technology Program in Region III Funds para sa pagbili ng MOCCOV para magkaroon na ng sariling Mobile Command and Control Vehicle (MOCCOV) ang lalawigan ng Nueva Ecija.

Ang MOCCOV ay isa sa mga produkto ng DOST sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) na inaasahang makakatulong ng malaki sa mabilisang pagresponde bago at pagkatapos ng kalamidad.

Ito ay mayroong weather monitoring station, rescue quadcopter drone, global satellite communication at surveillance equipment, rescue and medical equipment.

Mayroon din itong portable boat na maaaring magamit sa rescue operation, gayundin bilang conference room at mobile command center ng emergency responders.

At kahit mawalan ng supply ng kuryente sa partikular na lugar ng kalamidad ay epektibo pa rin itong magagamit dahil mayroon itong solar and wind power supply system.

Ayon kay PDRRMO Chief Michael Calma malaking tulong ang naturang kagamitan dahil sa advance technology nito at kayang i-accomodate ang labing walong katao para sa mga rescuer na inaabot ng ilang araw, may 5 foldable medical bed para sa mga emergency, set ng radio communication, Mayroon din itong satellite smart router para sa koneksyon sa internet, drone para sa inspeksyon ng bisinidad ng apektadong lugar at isang pick-up car, at iba pang kinakailangang kagamitan para sa pagsasagawa ng disaster command and control operations onsite.

Dagdag pa niya, bukod sa pagtugon sa mga sakuna ay maaari ding gamitin ang MOCCOV sa pagdaraos ng mga malalaking okasyon sa lalawigan bilang pang-antabay sa mga biglaan o hindi inaasahang sitwasyon.
Layunin nito na lalong mapatatag ang disaster rescue operations at relief operations ang pagkakaroon ng digitalized at real-time monitoring upang makikita agad ang sitwasyon sa mga lugar na apektado ng kalamidad,

Samantala bago ang turn over ng MOCCOV ay nagsagawa muna ng dalawang araw na training ang grupo ng rescuer ng PDRRMO upang mapag-aralan ang naturang equipment para rumesponde sa anumang disaster at kalamidad.