P10,000 AYUDA NG PAMAHALAAN, IPINAMBAYAD SA UTANG NG MAG-ASAWANG NAPINSALA ANG SAKAHAN SA BAYAN NG BONGABON

Isa si Elizabeth Vigo mula sa Barangay Curva, Bongabon, Nueva Ecija sa mga benepisyaryo ng “Financial Assistance to Disaster-Affected Novo Ecijanos,” mula sa Pamahalaang Nasyonal sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Layunin nito na matulungan ang mga pamilyang napinsala ang sakahan o kabuhayan ng mga nagdaang kalamidad.

Ayon kay Elizabeth, napabilang siya sa mga nabigyan ng P10,000 cash na ayuda dahil nasira ang kanilang mga pananim noong halos isang buwang tuloy tuloy na umulan sa kanilang lugar na naging dahilan kaya lumubog sa tubig ang kanilang sakahan.

Maliban dito ay napilay pa ang kanyang asawa kaya sobrang hirap ang kanilang naranasan upang maitawid ang pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.

Kaya naman nagpapasalamat sa pamahalaan ang kanilang pamilya dahil sa natanggap na ayuda na kanilang nagamit para sa mga pangunahing pangangailangan ng kanyang asawa, at ipinangbayad ng kanilang mga utang.