Isang kwento ng matinding pagsubok at hindi matitinag na pag-asa ang naging inspirasyon ng maraming netizen matapos ibahagi ang tagumpay ni King Nixon C. Mabanta, isang bagong arkitekto na nag-top pa sa dalawang licensure exam sa kabila ng halos siyam na buwang pagkaka-bedridden.

Pagbabahagi ni Mabanta sa kanyang Facebook, noong 2022, habang naghahanda sana siya para sa Architect Licensure Examination, bigla siyang tinamaan ng malubhang karamdaman na nagpahinto sa lahat ng kanyang plano.

Dahil dito, napilitan siyang itigil ang pagpasok sa review center, wala siyang nadaluhang refresher, mock boards, o final coaching dahil para kay Mabanta, mas mahalaga noon ang kanyang kalusugan kaysa sa anumang pagsusulit.

Umabot pa aniya sa punto na itinapon niya ang lahat ng kanyang notes at school materials, dala ng pangambang baka hindi na siya umabot sa kinabukasan.

Mula August hanggang October 2022 ang pinakamabigat na yugto ng kanyang buhay, hindi siya makatayo nang maayos at halos buong katawan niya ay namamaga, at dumating aniya ang panahong tila tinanggap na nilang mag-anak ang pinakamasamang maaaring mangyari.

Gayunpaman, pagsapit ng huling bahagi ng 2022, unti-unti siyang bumangon, sa kabila ng kahinaan, naglakas-loob siyang kumuha ng Master Plumber Licensure Examination noong 2023 sa pamamagitan ng self-study at nagbunga ito nang pumasa siya at nagtop 2 sa exam.

Hindi rito nagtapos ang kanyang laban, taong 2025, muling hinarap ni Mabanta ang Architect Licensure Examination matapos ang masinsinang self-review, sa kabila ng takot at pagdududa, nagtagumpay siya at nakamit ang Top 1 spot.

Umani ng papuri ang kanyang kwento, na para sa marami ay patunay na ang determinasyon, pananampalataya, at tiyaga ay kayang daigin kahit ang pinakamabigat na hamon sa buhay.

“Hindi mo lang ipinasa ang exam, nalampasan mo ang mismong buhay,” ayon sa isang netizen.

https://youtu.be/lnt0ZY9yKqs