ARAL PROGRAM ACT, PINIRMAHAN NA NI PBBM, RERESOLBA SA LEARNING LOSS NG MGA MAG-AARAL SA READING, MATHEMATICS AT SCIENCE

Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang batas ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Act na magpapahusay sa kalidad ng edukasyon sa bansa at para makabawi ang mga estudyante sa naging karanasan sa COVID-19 pandemic.

Ang ARAL Act ay kabilang sa priority measures ng Legislative Executive Development Advisory Council kung saan sakop nito ang K to 10 learners, partikular na ang mga estudyanteng nagbabalik sa pag-aaral, may mababang proficiency level sa Reading, Mathematics at Science, pati na ang mga mag-aaral na bagsak sa mga pagsusulit batay sa pagsusuri ng kanilang mga guro.

Sinabi ng pangulo na sa pamamagitan ng bagong batas ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga bata para magkaroon ng edukasyon na angkop sa kanila at mahubog ito para sa kanilang kinabukasan.

Sa ilalim ng ARAL Program, tutukan ng Department of Education ang mga estudyanteng nasa Grade 1 hanggang Grade 10 sa Reading at Mathematics habang higit na kasanayan at kaalaman sa Science ang target sa mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang 10.

Pagpapataas naman sa literacy at numeracy competencies ang focus ng Deped para sa mga Kindergarten students.

Ang tutorial session ng ARAL program ay libre at isasagawa sa tatlong flexible delivery modes: face-to-face tutorials, online tutorials, at blended learning approach sa tulong ng mga guro, para-teachers at pre-service teachers bilang tutors.

Bukas din ang pagsasagawa ng programa sa mga pribadong paaralan ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara dahil naniniwala ang kalihim na malaking bagay ang pagsasabatas ng ARAL Program sa Bagong Pilipinas.