MGA PLANONG PROYEKTO, PROGRAMA NG PROVINCIAL GOVERNMENT PARA SA 2025, INILAHAD SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN
Inilahad ni Engr. Dennis Agtay ng Provincial Planning and Development Office noong October 17, 2024 sa Committee of the Whole ng Sangguniang Panlalawigan ang mga pinaplanong proyekto at programa sa ilalim ng iba’t ibang opisina ng Provincial Government ng Nueva Ecija para sa taong 2025.
Ayon kay Engr. Agtay, ang Annual Investment Program (AIP) ay nakabatay sa estratehikong layunin sa pag-unlad na naka-angkla sa Malasakit Agenda, na nakatuon sa pagsusulong ng Sosyo-ekonomikong kasaganaan, kasama dito pagpapabuti ng imprastruktura at produktibidad ng agrikultura, pagpapalakas ng komunidad, episyenteng serbisyo publiko, katatagan sa sakuna at pagpapanatili ng kalikasan.
Ang kabuuang halaga ng proposed AIP ay tinatayang aabot sa Php98.6 billion na nakatuon sa mga proyekto at programa para sa kalusugan at edukasyon kabilang ang Alagang Pangkalusugan Medical Mission, serbisyong medikal ng mga district at community hospitals, papapahusay ng mga pasilidad pangkalusugan, Drug Treatment and Rehabilitation programs, at Educational Financial Assistance Program.
Isa sa mga pangunahing prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan para sa 2025 ay ang sektor ng agrikultura, kaya ipagpapatuloy ang Palay Price Support Program, Seed Support Program, Kadiwa ng Pangulo program, Crop Development programs at Farm Mechanization programs.
Kasama rin sa AIP ang patuloy na pagpapatayo ng mga classroom buildings at E-Libraries sa mga paaralan, mga Multi-purpose Buildings at pasilidad na tutugon sa mga pangangailangan ng komunidad.
Ang malaking bahagi ng AIP ay nakatuon din sa pagsasaayos ng mga kalsada kabilang ang konstruksyon, rehabilitasyon at pagbubukas ng mga bagong kalsada upang mapabilis ang daloy ng trapiko at palakasin ang pag-unlad ng ekonomiya ng probinsya.
Sinabi ni Engr.Agtay, ang mga programang ito ay hindi lamang iaasa sa Annual Budget o pondo ng probinsya, dahil malaking bahagi ng pondo para dito ay manggagaling sa National Government sa ilalim ng mga programang ipinatutupad sa Nueva Ecija.
Pinagtibay naman sa 37th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang Annual Investment Program ng Nueva Ecija para sa 2025, matapos itong iendorso ng Provincial Planning and Development Office.

