SOLO PARENTS, DEPENDENTS, LIBRE NA SA KONTRIBUSYON NG PHILHEALTH
Magandang balita dahil kasama na rin ang mga single parents sa libreng coverage ng Philippine Health Insurance Corporation.
Sa Circular 2024-0020 na inisyu ng PhilHealth, awtomatikong isasama ang mga solo parent at kanilang mga anak sa National Health Insurance Program kaya kanila nang ma-a-access ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan nang walang babayarang karagdagang financial contributions.
Ito ay alinsunod sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act o Republic Act No. 11861 kung saan ang mga single parent ay may karapatang makakuha ng libreng saklaw mula sa state-run PhilHealth.
Sinabi ng Philhealth na kanilang irerehistro ang mga solo parent bilang pangunahing miyembro sa ilalim ng indirect contributor na uri ng membership at solo parent bilang sub-type nito. Tanging ang mga may balidong solo parent identification card lamang ang kanilang i-eenrol bilang indirect contributor.
Nilinaw pa ng PhilHealth na kailangan munang kumuha ng valid Solo Parent Identification Card o SPIC ang solo parents mula sa kani-kanilang local government units bago i-update ang kanilang membership sa PhilHealth.
Ang card na ito ay magsisilbing paunang requirement para awtomatikong maisama sa ilalim ng expanded coverage.
Maglalabas naman ang Philhealth ng revised membership registration form na sumasalamin sa updated membership type at subtype para sa solo parents. Ito ay upang mapabilis ang proseso ng pagpaparehistro at masigurong mas maraming solo parents ang makikinabang sa programa.
Ang mga benepisyong ito ng PhilHealth ay higit pa sa buwanang cash subsidy para sa mga nag-iisang magulang na kumikita ng minimum na sahod o mas mababa at isang 10% na diskwento kasama ang exemption mula sa 12% na value-added tax o VAT sa ilang mahahalagang pagbili na ibinigay na ng batas.
Ang mga kwalipikadong solo parents ay may karapatan din sa kaparehong pribilehiyo sa pagbili ng branded o generic na gamot, bakuna at medical supplements, na inireseta ng doctor para sa kanilang paggagamot sa kanilang sakit gayundin sa kanilang mga kwalipikadong anak na niresetahan ng doktor.

