BABALA! SENSITIBONG BALITA:
18-ANYOS NA LALAKI, TUMAKAS SA CHECKPOINT SA PALAYAN CITY, HINABOL NG MGA PULIS, NAKUHANAN NG BARIL
Kalaboso ang isang disi otso anyos na lalaki na armado umano ng baril matapos itong magtangkang tumakas at habulin ng mga pulis sa itinalagang checkpoint sa Brgy. Manacnac, Palayan City.
Base sa report ng PIO-NEPPO (Public Information Office-Nueva Ecija Provincial Police Office), 3:50 ng madaling araw noong October 9, 2024, back rider sa isang tricycle ang suspek na pinara ng mga opisyal nang dumaan sa checkpoint.
Ngunit imbes na huminto ang driver ay pinaharurot nito ang sasakyan kaya tinugis ang mga ito ng mga pulis.
Nahulog ang naka-angkas na suspek, at nang makorner ng mga awtoridad ay nanlaban ito at pinagsisigawan umano ng mga hindi magagandang salita ang mga pulis.
Nang kapkapan ang suspek ay nakumpiska umano sa kanya ang Caliber .38 revolver na kargado ng apat na mga bala.

