PALAKASAN NG SAMPAL, SPORTS NA RIN SA PILIPINAS

Itinampok kamakailan sa “Kapuso Mo, Jessica Soho”, ang slap fight o palakasan ng sampal upang mapatumba ang kalaban, na isa na ring nauusong sports sa Pilipinas.

Ang ganitong uri ng sports ay ginagawa sa Parañaque City kung saan maaaring manalo ng pera na hanggang Php10, 000.

Ayon sa isa sa mga sumali sa naturang palaro, bahagi ng training ang pagkondisyon hindi lamang ng mga kamay at braso kundi maging ng panga, sa pamamagitan ng pagbubuhat ng mga dumbbell, kahoy at sako na may 40 kilos na timbang, gamit ang bibig.

Nagmula umano ang slap battle sa mga nag-iinuman sa isang bar sa Russia at ginawa na itong sports.

Base sa ulat, kinilala bilang legal contact sport ang palakasan ng sampal noong 2022 tulad ng boxing, wrestling at mixed martial arts.

Ngunit ayon sa ilang mga eskperto mula sa University of Pittsburgh School of Medicine, may posibilidad na magkaroon ng concussion o pagkakalog ng utak sa mga partisipante nito.

Base umano sa pagsusuri, mahigit kalahati ng mga slap sequences ay nagresulta sa walumpong porsyento ng mga kalahok na nakitaan ng mga palatandaan ng pagkakalog ng utak.

Mabilis na sumikat at nakakuha ng milyon-milyong tagapanood online ang slap fighting, kung saan ang mga kalahok na magkatapat sa isang podium na abot-baywang ay magpapalitan ng pagsampal sa mukha ng kalaban.