Rehabilitasyon ng Nasirang Irigasyon sa Central Luzon, Tuluy-tuloy
Inanunsyo ng National Irrigation Administration (NIA) na mas mapapaaga ang pagtatapos ng konstruksyon ng nasirang irigasyon sa Central Luzon na Siphon Barrel sa Talavera River, Barangay San Nicolas, Llanera, Nueva Ecija.
Ang pagsasaayos nito ay magbabalik ng sapat na suplay ng tubig sa ilang bahagi ng Nueva Ecija at Tarlac.
Sa halip na sa Marso, inaasahang matatapos ang repair sa huling bahagi ng Enero o unang bahagi ng Pebrero.
Sa panayam ng Radyo Natin Guimba, nagbigay ng update ang Project Coordinator ng NIA-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System na si Engr. Roel Leaño Vegiga.
Nasimulan na umano ang pagbubuhos ng semento sa Joint No. 3 noong January 10, 2026.
Ito aniya’y isa sa pinakamalaking bahagi ng repair na kinakailangan ng 240 cubic meters ng concrete.
Water Delivery sa Nasirang Irigasyon sa Central Luzon, Uunti-untiin
Samantala, bago tuluyang buksan ang irigasyon, magkakaroon muna ng test run sa January 30, 31, at February 1, 2026.
Ayon kay Engr. Vegiga, dahan-dahan ang gagawing pagpapakawala ng tubig upang masiguradong walang magiging tagas o aberya.
Kapag napatunayang matibay na ang mga dugtungan, magbibigay agad ng “greenlight” o go-signal ang NIA para sa tuloy-tuloy na serbisyo ng naturang irigasyon sa Central Luzon.
Pagkukumpuni ng Siphon Barrel, Tulong Para sa mga Magsasaka
Matatandaan na ang pagkasira ng siphon barrel ay bunsod ng nagdaang sunod-sunod na bagyo at illegal quarrying sa paligid nito.
Dahil sa pagkuha ng graba, lumitaw ang tubo na dati’y nakabaon sa ilalim kaya ito ay tinamaan ng mga debris.
Agad namang naghain ng reklamo ang NIA na nagresulta sa suspensyon ng mga quarrying operations sa lugar.
Target ng NIA na matulungan ang 25,000 na magsasaka na makahabol sa double dry cropping season ngayong taon kaya pinapabilis ang pagkukumpuni ng nasirang irigasyon.

