Umani ng papuri at paghanga mula sa mga netizen ang isang grupo ng kabataan mula sa Sto. Tomas, Pampanga na kilala bilang ‘For The Boys’ matapos silang walang pag-aalinlangang tumugon sa panawagan ng tulong para sa mga pamilyang nasunugan sa Barangay San Bartolome.
Nagkaloob ang grupo ng mga lutong pagkain, mga bag ng bigas, hygiene kits, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan sa kanilang mga kabarangay na naapektuhan ng sunog, nang walang inaasahang anumang kapalit.
Ang nasabing pagkilos ay ibinahagi rin ng grupo sa kanilang social media page na may caption na, “We cannot be separated in interest or divided in purpose. We stand together until the end. Thank you to everyone who extended help and shared their kindness. Your support means so much to the families affected.”
Marami sa mga netizen ang sumaludo sa kabutihang-loob ng grupo, habang may ilan ding nagsabing dapat silang pamarisan ng ibang kabataan dahil sa ipinamalas na malasakit sa komunidad sa halip na ilaan ang oras sa bisyo.
Batay sa opisyal na pahayag ng barangay, dalawampu’t walong (28) pamilya ang naapektuhan ng sunog na naganap noong January 7, 2026 sa Purok 5, Goldenland.
Dahil dito, agad na nanawagan ng tulong ang pamunuan ng barangay para sa kanilang mga kalugar, at isa ang ‘For The Boys’ sa mga unang tumugon sa panawagan, kung saan nagmula pa umano sa kanilang sariling bulsa ang ipinambili ng mga unang donasyong ipinamahagi.
Kalaunan ay nakiisa rin ang iba’t ibang indibidwal, organisasyon, grupo, at ahensya sa isinagawang bayanihan, na lubos na ipinagpasalamat ng barangay at ng mga pamilyang naapektuhan.
Sa opisyal na pahayag ng barangay, nagpasalamat ang pamunuan sa lahat ng tumulong at nagpaabot ng suporta, at binigyang-diin na ang pagkakaisa at malasakit ng komunidad ang nagsilbing lakas at pag-asa ng mga biktima sa gitna ng trahedya.

