MGA PATAKARAN PARA SA LIBRENG TULONG LEGAL SA MGA MAHIHIRAP, APRUBADO NG SUPREME COURT
Aprubado na ng Supreme Court ang Unified Legal Aid Service Rules na mangunguna sa paghahatid ng mga pro bono services ng mga abogado sa mga mahihirap at iba pang kwalipikadong benepisyaryo.
Sinabi ni SC spokesperson Camille Sue Ting na inaprubuhan ng mahistrado ang mga patakaran ng ULAS sa kanilang regular na en banc session noong August 20, 2024.
Nauna na rito ay ipinahayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo na layunin ng Unified Legal Aid Service Rules na maglagay ng pinag-isa at streamlined na balangkas para sa libreng legal aid services sa bansa alinsunod sa mga tungkulin ng mga abogadong lumahok upang mabuo ang nasabing sistema.
Pinamamahalaan ng ULAS Rules ang mga kwalipikadong benepisyaryo gaya ng mga indigents, miyembro ng marginalized sectors na may paggalang sa kanilang mga kaso sa pampublikong interes at mga non- governmental at non-profit organizations na may kinalaman sa mga kaso na kapaki-pakinabang lalo na sa mga mahihirap.
Umaasa naman ang Mataas na Hukuman na mabibigyan ng buo at epektibong access sa hustisya ang mga mahihirap, kulang sa representasyon at marginalized na mga miyembro ng lipunan.

