PANGANGAILANGAN SA SERVICE VEHICLE NG MGA BARANGAY, TINUGUNAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Pinagtibay sa 27th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Acting Governor Emmanuel Antonio Umali na lumagda sa Usufruct Agreement sa labing anim na mga barangay sa Nueva Ecija para sa pagpapahiram ng service vehicle o ambulansya sa kanila.
Labing anim na mga barangay ang makatatanggap ng mga ambulansyang ito kung saan walong barangay sa bayan ng Jaen, 2 sa Llanera, tig-isang barangay sa San Leonardo, Talugtug, Laur, San Jose City, Gabaldon at Guimba.
Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josefina Garcia, ito ay pagtugon ng Provincial Government sa pangangailangan ng mga barangay sa sasakyan o service vehicle na magagamit nila para madala at masundo nila sa mga pagamutan ang kanilang mga kabarangay na nagkakasakit.
Aniya, dalawampong taon na ipahihiram ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga sasakyang ito sa mga barangay at sa panahong iyon ay bawal itong ariin, palitan ng kulay o pinturahan o baguhin at bawal na ipagbili.
Mahigpit ding bilin ni Dra. Garcia na ingatan ng pamunuan ng bawat barangay ang naturang sasakyan upang magamit ng matagal at mapakinabangan sa mahabang panahon ng kanilang mga nasasakupan.
Mahalaga din aniya na magtalaga ng iisang driver o maingat na driver ng kanilang ambulansya upang mas madaling matukoy ang sakit ng sasakyan o mga sira ng sasakyan na dapat ayusin.
Ito na ang ikalawang batch ng mga barangay na tatanggap ng naturang service vehicle, nauna nang nakatanggap ang tatlumpo’t pitong barangay sa lalawigan.

