LALAKING NAGPAKALBO BILANG SUPORTA SA MISIS NA MAY CANCER, NAGPALUHA SA MGA NETIZEN

Kinaantigan ng puso ng mga netizens ang ginawa ng mister at vlogger na si Gerald Espergal na kinalbo ang sarili bilang suporta sa kanyang misis na si Karla na lumalaban sa sakit na cancer.

Ayon sa ulat, ang walong taon na pagsasama ng mag-asawa ay nagbunga ng dalawang anak, na pinagtibay ng kanilang pagmamahal para sa isa’t isa.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay sinubok sila ng tadhana nang magkaroon ng sakit na Lymphoma na isang uri ng cancer si Karla.

Nang kailangan ng magpakalbo ni Karla ay sinamahan ito ni Gerald sa barbershop at idinokumento ang bawat saglit tsaka ipinost sa kanyang social media account.

Habang inihahanda si Karla ay kinuha ni Gerald ang razor at sinimulang kalbuhin ang kanyang sarili na ikinagulat naman ng kanyang misis.

Sinubukan mang pigilin ni Karla ang asawa ay hindi na ito nagpapigil at napaiyak na lamang sa pagdamay ng kanyang asawa sa kanya.

Si Gerald na rin ang nagkalbo sa kanyang misis na si Karla.

Naniniwala umano si Gerald na sa pamamagitan ng wagas nilang pagmamahalan sa isa’t isa at pananampalataya sa Diyos ay makakaya nilang sabay na lagpasan at labanan ang pagsubok na ito sa kanilang buhay.

Marami din sa mga taga suporta, kamag-anak at kaibigan ng mag-asawa ang nagpakalbo din upang magpakita ng pagmamahal at suporta para sa kanilang laban sa karamdaman ni Karla.