KAHINAAN NG MGA GURO, ESTUDYANTE, TUTUGUNAN SA PAGBUO NG CABINET CLUSTER SA DEPED

Aprubado na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglikha ng Cabinet Cluster sa sektor ng edukasyon na siyang tutugon sa mga problemang kinakaharap ng mga mga-aaral sa bansa.

Inatasan ng Pangulo si Education Secretary Sonny Angara na lutasin ang mga problemang kinakaharap ng mga estudyante at mga guro partikular na ang kahinaan sa ilang subject ng mga estudyante gayundin ang mga science teacher na hindi science major.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Angara na layon ng cluster na pagsama-samahin ang mga common vision at direction ng mga ahensya ng gobyerno upang tugunan ang 5.5 years na learning gap ng mga mag aaral kasunod ng mungkahi ng Second Congressional Commission on Education.

Kabilang sa bubuuing cluster ay ang DedEd, Commission on Higher Education o CHED, at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Habang kasama naman sa technical working group ang DOLE, DBM, DSWD, DOH at National Nutrition Council, habang pinagiisipan pa kung isasama ang DTI.

Nilinaw ng kalihim na ang cluster ay hindi na nangangailangan ng karagdagang pondo dahil ito ay nakapaloob na sa umiiral na budget.

Nagpasalamat naman si DepEd Secretary Angara sa mabilis na aksyon ni Pangulong Marcos kaugnay sa pagtugon sa mga problemang kinahaharap ng bansa pagdating sa edukasyon.