NUEVA ECIJA, MULING MAGLALARO SA NATIONAL BASKETBALL LEAGUE; UNANG LABAN, ABANGAN SA SEPT. 1, 2024
Kaabang-abang ang magiging unang laro ng Nueva Ecija Granary Buffalos sa National Basketball League na gaganapin sa Nueva Ecija Coliseum, Palayan City, sa September 1, 2024 bilang bahagi ng selebrasyon ng Unang Sigaw.
Opisyal nang kabilang ang Nueva Ecija sa pambansang liga matapos na lumagda noong August 9, 2024 sa isang Memorandum of Understanding sina Acting Governor Emmanuel Antonio Umali, bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan at Rhose Montreal, Executive Vice President ng NBL Pilipinas, Ang Tahanan ng tunay na Homegrown.
Ayon kay Montreal, hindi makukumpleto ang NBL kung wala ang team ng Nueva Ecija dahil sa dami ng mga magagaling na mga manlalaro sa lalawigan, kaya naman nagagalak silang napaunlakan ang kanilang imbitasyon upang muling sumali ang probinsya sa naturang palaro.
Mahigpit aniyang makakalaro at makakalaban ng Nueva Ecija Granary Buffalos ang Taguig Generals na tatlong beses ng nagchampion sa NBL.
Sa panayam kay Acting Governor Anthony Umali ay inihayag nito ang kanyang kagalakan na muling nagbukas ang pintuan ng NBL para mabigyan ng pagkakataon ang mga tubong Nueva Ecija upang ipamalas ang kanilang talento sa larangan ng basketball sa national level.
Binubuo ng labing walong manlalaro na edad 21 anyos hanggang 32 anyos, mula sa mga bayan ng Guimba, Llanera, Talavera, Cabanatuan at San Isidro ang team ng Nueva Ecija na makikipagbakbakan sa anim pang mga teams mula sa CamSur Bicol, Taguig, Valenzuela, ParaƱaque, Pampanga at Zambales.
Nais naman ng Head Coach ng team na si Mark Lyn Ingusan na maging inspirasyon siya ng mga kabataang Novo Ecijano na mula sa pagiging homegrown player na naglaro ng tatlong season sa NBL, ngayon ay isa nang homegrown coach ng Nueva Ecija Team.
Ang NBL Pilipinas ay sinimulan noong taong 2018 kung saan itinatampok ang talento ng mga manlalaro na ipinanganak mismo sa lugar kung saan sila nabibilang na koponan.

