ISANG TRUCK NG KAMATIS, IPINAMIGAY NG MAGSASAKA MULA NUEVA ECIJA DAHIL SA BAGSAK PRESYO

Nakapanlulumo ang karanasan ng isang magsasaka na si Joel Donato mula sa Nueva Ecija nang hindi nito naibenta ang inaning isang truck ng kamatis na dinala niya sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal o NVAT.

Mula kasi sa halagang Php30-Php40 kada kilo kung saan sila sana makakabawi ng ginastos sa pagtatanim ay bumagsak ito sa Php15-Php20.

Bukod sa mababang presyo ay kakaunti lamang din umano ang buyer ng kamatis kaya naman napagpasyahan na lamang niyang ipamigay ang nasa pitumpong crates ng kamatis sa Bayombong.

Habang ang mga napagpilian naman na nasa 90 porsiyento ang sira ay itinapon na lamang nila.

Aabot umano sa pitumpo hanggang walumpong libong piso ang ginastos ni Donato sa kada ektarya ng itinanim na kamatis kaya naman masakit sa kalooban niya ang nangyari.

Posible din daw na mas bumaba pa ang presyo ng kamatis bunsod ng sabay sabay na anihan.

Sa iba pang ulat ay sinabi ng pamunuan ng NVAT na bagaman wala namang oversupply ng kamatis ay bumaba naman ang demand at maituturing din itong isolated case dahil isang truck load lamang ito.

Nasa Php60-Php120 bawat kilo anila ang presyo ng Class A na kamatis noong buwan ng Hunyo hanggang Hulyo at ngayon ay nasa Php27 bawat kilo na ang average price nito, habang nasa Php10-Php15 naman bawat kilo ang presyo ng mga nasa Class C.