PAGBAHA SA CENTRAL LUZON, MAKOKONTROL DAHIL SA MGA NATAPOS NA PROYEKTO

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inagurasyon ng Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Project-Stage 1 o IDRR-CCA 1 sa Masantol, Pampanga.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na makakatulong ang IDRR-CCA 1 na mapababa ang lebel at tagal ng pagbaha sa mga bayan ng Macabebe, Masantol, Minalin, at Sto. Tomas mula sa halos apat na buwan ay magiging dalawang linggo na lamang.

Ang IDRR-CCA 1 ay isang infrastructure flagship project na naglalayong palakasin at pagbutihin ang kapasidad ng Third River, Eastern Branch River, Caduang Tete River, at Sapang Maragul River, na dumadaloy ang mga tubig papunta sa Pampanga River.

Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng PhP7.57 billion, na nagmula sa Export-Import Bank of Korea-Economic Development Cooperation Fund, kaya naman pasasalamat ang ipinahayag ni Pangulong Marcos sa pamahalaan ng South Korea dahil sa teknikal na tulong upang maisakatuparan ang proyekto.

Binanggit din ng Pangulo ang mga natapos na flood control projects sa Central Luzon, tulad ng PhP85 million na proyekto sa Pampanga River sa Gabaldon, Nueva Ecija, at ang PhP91 million na rehabilitasyon ng pampang ng Pampanga River sa Candating, Arayat.

Hinikayat din ni Pangulong Marcos ang mga residente at lokal na opisyal na makiisa sa gobyerno upang mas mapadali ang pagkamit ng pangmatagalang solusyon para tugunan ang problema ng pagbaha sa bansa.