3 ARAW NA NATIONWIDE TIGIL PASADA, PANAWAGAN PARA IBASURA ANG PUBLIC TRANSPORTATION MODERNIZATION PROGRAM

Nagsanib pwersa ang Piston at Manibela sa isinasagawa nilang nationwide tigil pasada ngayong Agosto 14 hanggang 16, 2024 para himukin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibasura ang Public Transport Modernization Program.

Kasabay ng panawagan ng ilang mga mambabatas na suspendihin muna ang naturang programa.

Tatlong araw muli ang sakripisyo ng mga driver na miyembro ng Piston at Manibela para sa kanilang kilos tigil pasada.

Ang ilan sa kanila aminado na hirap kung papaano nila maitatawid ang kailangan ng kanilang pamilya sa ilang araw na hindi makakapamasada.

Pero giit ng mga operator’s mas malaking problema kapag tuluyang ma phase out ang kagaya nila na hindi umanib sa kooperatiba, kaya nakakalungkot umano ang paninindigan ni Pangulong Marcos Jr. na ituloy ang Public Transport Modernization Program sa kabila ng Resolution na nilagdaan ng ilang mga senador para hilingin na isuspende ito dahil sa iba’t ibang isyu na kinakaharap nito.

Layunin ng tigil pasada na iparating sa Malakanyang ang kanilang hinaing at ipinaglalaban at umaasa sila na maunawaan ng pangulo.

Bukod sa malawakang tigil pasada ngayon sa Metro Manila ay mayroon ding nagaganap na transport strike sa iba’t ibang lalawigan, sa Baguio, Bulacan, Pangasinan, Pampanga, maging sa Visayas at Mindanao sa Cagayan De Oro at Davao.

Ayon sa Grupo ng Manibela at Piston inaasahang aabot sa limang libo hanggang labinlimang libo ang makikilahok sa sanib pwersa ng tigil pasada.

Humihingi naman ng paumanhin at paunawa ang grupo sa mga commuters na nahihirapan makasakay.

Sa panig naman ng pamahalaan ay mayroon namang naka standay ang MMDA at ilang sasakyan ng lokal na pamahalaan para maghatid ng libre sa mga pasaherong walang masakyan.