Muling nadinig ang pambansang awit ng Pilipinas sa ginaganap na Summer Olympics Games 2024 sa Paris matapos makuha ni Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo ang ikalawang gold medal niya at ng Team ‘Pinas sa Olympic men’s artistic gymnastics vault sa Bercy Arena sa Paris, France noong Linggo ng gabi.

Nakuha nito ang kanyang unang gintong medalya noong Sabado ng gabi sa floor exercise kung saan nagpakitang gilas ang 24 anyos na gymnast na tubong Ermita, Manila sa pagiging pinaka astig na Pinoy Olympian na bagong karangalan.

Nagtala ang 4-foot-11 athlete ng 15.116 points sa pagpapakita ng liksi, at lakas sa routine para daigin sa 8-man finals sina Artur Davtyan ng Armenia na nag-silver sa 14.966 at Harry Hepworth ng Great Britain sa iskor na 14.949 na nag-bronze.

Pero labis na kinabahan ang maraming Pinoy na abangers sa labanan dahil kailangan pang maghintay ni Yulo at ng bansa sa ilang mga karibal na mag-perform din pagkaraan niyang mauna.

Ilan sa matatanggap na reward ni Caloy ang isang P24M worth fully-furnished condominium unit mula sa isang property development company. Gagawaran din siya ng Kamara ng P3 milyon at P10M sa Philippine Sports Commission.

Binati naman ng mga senador si Philippine gymnast Carlos Yulo para sa pagkakasungkit nito ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.

Ayon kay Senate Committee on Sports and Youth Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go na ang pagkapanalo ni Yulo ng gintong medalya ay nagbibigay ng malaking karangalan sa buong Pilipinas.

Patunay umano ito na kapag buo ang suporta ng sambayanan sa ating mga atleta ay malayo ang kanilang mararating.

Pinunto rin ni Go na ang isang hamon na maipagpatuloy pa at mas mapalakas ang mga programa sa sports para mabigyan ng pagkakataon at inspirasyon ang iba pang mga atleta na magpakitang gilas.