BABALA: HUWAG GAGAYAHIN
NAGBABAGANG APOY, MINUKBANG NG LALAKI SA CEBU
Uso ngayon ang iba’t ibang pagkain na ginagawang mukbang, pero may kakaibang mukbang ang kinakain ng isang lalaki sa Cebu City.
Sa halip na masasarap na pagkain ang kanyang nilalantakan ay mga nagbabagang kahoy na may apoy ang kanyang minumukbang.
Siya si Gerwin Paraginog ng Cebu City, nagsimula raw ang interes niyang matutong kumain ng apoy nang minsan na may magtanghal sa kanila na circus. Nakita niya umano na may kumakain ng apoy kaya sinubukan niya itong gayahin.
Subalit aminado naman siya na nasaktan siya noong una siyang lumantak ng apoy at apat na araw siyang hindi nakakain dahil sa tinamong mga paso sa loob ng kaniyang bibig.
Pero dahil sa gusto talaga niyang matuto ng pagkain ng apoy, kaya nang gumaling ang mga paso sa kaniyang bibig, inulit niya ang pagkain nito.
Nang tumagal nang tumagal, sinabi ni Gerwin na natutunan na niya ang tamang diskarte para hindi mapaso.
Sa isang programa sinabi ni Gerwin Paraginog na dalawang dekada na siyang kumakain ng apoy.
Para patunayan ni Gerwin na walang daya sa kaniyang pagkain ng nag-aapoy na baga, nagtawag pa siya ng mga tao sa kanilang lugar para manood.
Kumuha muna ng mga kahoy si Gerwin na kaniyang sinilaban. At nang maging uling na nag-aapoy na, sinimulan na niyang magmukbang.
Ayon sa mga doctor may mga tao rin umano na sadyang manhid o walang nararamdamang sakit na tinatawag na congenital insensitivity to pain with anhidrosis (CIPA).
Isa umano itong pambihirang kondisyon na hindi konektado nang maayos ang pain sensing nerve sa bahagi ng utak na nakatatanggap ng pain messages.
Napakabihira umano ng kaniyang disorder na nangyayari lang sa 1 in 125 million people. Samantala, ipinaliwanag naman ng isang doktor ang peligro ng ginagawa ni Gerwin sa pagkain ng apoy, lalo na ang baga na maaaring makaapekto sa kaniyang kalusugan sa hinaharap.
Ayon sa mga expert may iba’t ibang factor para sa pain tolerance ng isang tao.
Kabilang dito ang genes, edad, kasarian, at dating karanasan.

