MAS MALAKAS NA UGNAYAN NG PILIPINAS AT AMERIKA, MULING PINAGTIBAY NI PANGULONG MARCOS
Muling ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangako ng Pilipinas na pagtibayin ang ugnayan nito sa Amerika sa gitna ng mga hamon na kinakaharap partikular na sa West Philippine Sea at Indo-Pacific Region.
Ayon kay Pangulong Marcos, ikinakatuwa niya ang pananatiling bukas ng komunikasyon ng Pilipinas at Amerika.
Isinagawa niya ang pahayag sa naganap na joint courtesy call nina US Secretary of State Antony Blinken at US Secretary of Defense Lloyd Austin sa Malacañang.
Nasa Pilipinas sina Blinken at Austin para sa ika-apat na Philippines-United States 2+2 Ministerial Dialogue, kung saan tatalakayin ng mga opisyal ang mga mahahalagang isyu na may kinalaman sa mga banta sa rehiyon at kung paano ito matutugunan.
Saad ni Secretary Blinken, ito ang kauna-unahang pagkakataon na sa Pilipinas ginanap ang 2+2 meeting, dahil kadalasang ginaganap ito sa Washington, DC., at ito umano’y patunay lamang ng epektibo at matibay na ugnayan ng dalawang bansa.
Nagpasalamat din si Secretary Blinken kay Pangulong Marcos dahil sa mainit na pagtanggap, at kanya ring ipinaabot ang pagbati nina US President Joe Biden at Vice President Kamala Harris.
Samantala, sinabi naman ni Secretary Austin na ang Pilipinas at US ay hindi lamang magkaalyado, kundi parang pamilya na, dahil marami na aniyang nagawa ang dalawang bansa sa nakalipas na mga taon at nasasabik siya sa pagpapatuloy nito.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 78 years ang diplomatic relationship ng Pilipinas at Amerika na pormal na nagsimula noong July 4, 1946.

