OVERLOADED SCHOOL SERVICE, TRICYCLE NG MGA ESTUDYANTE, IPINAGBAWAL NG LTO

Binalaan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga school service at tricycle na mahuhuling overloaded sa mga pasaherong estudyante ngayong bukas na ang mga klase.

Inatasan na umano niya ang lahat ng regional director at district office head na makipag-ugnayan sa kanilang local government unit (LGUs) para sa tulong na maibibigay ng ahensya ngayong pasukan.

Aniya, mahigpit na minomonitor ng mga tauhan ng LTO ang mga school service, tricycle at iba pang sasakyan na magsasakay ng mga estudyante nang higit sa kanilang pinapayagang kapasidad.

Giit ni Mendoza kailangang ma check ang mga motor vehicles na mga overloaded dahil lubhang mapanganib ito para sa mga estudyante.

Alinsunod ito sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada patungo sa mga paaralan sa buong bansa sa pagbubukas ng klase.