MGA AKTIBIDAD NA MAY KINALAMAN SA POGO, BAWAL SA NUEVA ECIJA

Sa kahilingan ni Acting Governor Emmanuel Antonio Umali ay pinukpukan sa 25th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija na magpasa ng isang resolusyon na nagdedeklara ng pagbabawal sa lahat ng mga aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa loob ng hurisdiksyon ng lalawigan.

Ayon kay Jaycel Villegas, Acting Chief Administrator ng Office of the Governor, mainit na pinag-uusapan sa kasalukuyan ang patungkol sa mga iligal na aktibidad na nauugnay sa mga operasyon ng POGO na nagdulot ng pambansang pag-aalala at nagdudulot ng malaking panganib sa ating komunidad lalo na ang pagkakadiskubre sa scam POGO hub sa Bamban at Porac, na umano’y kinasasangkutan pa ng ilang nanunungkulan sa gobyerno.

Kaya naman naglabas ng Executive Order si Acting Governor Anthony Umali, noong June 19 na nag-uutos ng maigting na kampanya laban sa illegal na aktibidad ng POGO sa probinsya.

Sa kasalukuyan ay wala pa naman aniyang reported incidents ng POGO operations sa lalawigan ngunit minarapat nang mapigilan ito sa lalawigan dahil sa masasamang epekto nito na naiuugnay sa mga krimen at karahasan.

Ang pagpapatupad ng resolusyong ito ay para maipakita ang dedikasyon ng Pamahalaang Panlalawigan na protektahan ang mga Novo Ecijano mula sa masasamang epekto ng mga operasyon ng sugal at tiyakin ang katatagan at kaligtasan ng lalawigan.

Suhestiyon naman ni Bokala Belinda Palilio na hikayatin ang mga Lokal na Pamahalaan na suriing mabuti ang lahat ng mga nangunguha ng permit para sa pagtatayo ng mga establisyemento o negosyo sa kanilang mga nasasakupan upang masiguro na walang makapapasok na ganitong uri ng pasugalan sa probinsya.

Sinabi naman ni Bokal Sonny Cariño na sa naganap na pagpupulong ng Liga ng mga Barangay kamakailan ay napag-usapan na rin nila ang patungkol sa pagiging mapagmatyag at mapagbantay sa kanilang mga lugar upang kaagad na maisuplong ang anumang kasuspe-suspetsang iligal na gawain.