BAGONG BATAS VS ONLINE SCAM, MAKATUTULONG SA PUBLIKO
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bagong Government Procurement Act o Republic Act 12009 at Anti-Financial Account Scamming Act o AFASA o RA 12010, na ngayon ay ganap nang mga batas.
Ayon sa Pangulo, malaking tulong ang mga bagong batas na ito upang mapabuti ang sistema ng pamahalaan at maprotektahan ang publiko laban sa mga online scam.
Ang bagong Government Procurement Act ay nagmula sa RA 9184 o Government Procurement Reform Act, na mas pinasimple ang proseso ng procurement mula tatlong buwan ay 60 na araw na lamang.
Samantala, ang AFASA naman ay inaasahang makakatulong sa paglaban sa mga krimen na may kaugnayan sa online scams.
Ito ay nagbabawal at nagpaparusa sa mga financial crimes tulad ng pagganap bilang money mules, pagsasagawa ng social engineering schemes, at economic sabotage.
Pinapayagan din ng batas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mag-imbestiga ng mga kaso at mag-apply para sa cybercrime warrants at orders, na tumutukoy sa electronic communications na ginamit sa anumang paglabag sa batas.
Binigyan din ng batas ang BSP ng limitadong kapangyarihan na suriin at imbestigahan ang mga bank accounts, e-wallets, at iba pang financial accounts na may kinalaman sa ipinagbabawal na gawain.
Ang dalawang batas na ito ay mga itinuturing na mga priority bills ng Legislative Executive Development Advisory Council at bahagi ng legislative agenda ni Pangulong Marcos.

