3,300 NOVO ECIJANO, BENEPISYARYO NG PROYEKTONG PROJECT LAWA NG DSWD

Dahil sa matinding tagtuyot o El Niño na naranasan ng buong bansa, isa ang lalawigan ng Nueva Ecija na naapektuhan nito at nagkulang sa patubig para sa mga magsasaka.

Kaya naman opisyal na inilunsad noong Agosto 31, 2023 ang Project LAWA na isang inisyatiba ng DSWD, sa pamamagitan ng Disaster Response Management Bureau (DRMB), na naglalayong magbigay ng isang napapanatiling solusyon at proactive na interbensyon na tutugon sa mga hamon na kinakaharap ng mahihirap na komunidad sa panahon ng matinding tagtuyot.

Ayon kay Marijune De Guzman Munsayac Assistant Head ng PSWDO, mapalad ang lalawigan na mapasama sa nasabing proyekto sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa DSWD nila Governor Aurelio Umali at ng Bise Gobernador Doc Anthony Umali naging benepisyaryo ang limang bayan na apektado. Ito ay ang bayan ng Cuyapo, Rizal, Sto. Domingo, San Isidro, at Talugtug, kung saan 3,300 na mga Novo Ecijano ang nabiyayaan at napasama sa project LAWA.

Layunin ng ‘Project LAWA’ ng DSWD na mabawasan ang epekto ng El Niño, magkaroon ng pansamantalang hanapbuhay at matugunan ang kakulangan sa pagkain. Ang Local Adaptation to Water Access ay nakatuon ang balangkas ng proyekto sa pagtatayo ng mga maliliit na water reservoir ng sakahan na inilagay sa mga piling bayan.

Sa pamamagitan ng cash-for-training at work modalities dito napaloob ang mga benepisyaryo bilang kapalit ng labor at skills development. Bawat isa ay nakapaloob ang 3 araw na training, 15 araw na paghuhukay ng maliit na water reservoir at 2 araw para sa training upang masustenihan ang kanilang project Lawa, gardening at vegetables raising. Ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng tig P9,200 na sahod sa kanilang pagtatrabaho sa loob ng 20 araw.

Ang bawat reservoir ay itinayo sa loob ng 20 by 25-square meter na lugar na may pinakamataas na lalim na 50 talampakan na magsisilbing mahahalagang mapagkukunan ng tubig para sa mga komunidad sa panahon ng tagtuyot.

At para mas lalong mapakinabangan ang paligid nito, sa pamamagitan ng Office of Provincial Agriculture ay nagkaloob din ng 5 libong ibat ibang klase ng buto ng gulay para itanim, at ang nasabing water reservoir ay lalagyan ng mga fingerlings. Nauna na rito ang Bayan ng Cuyapo na pinagkalooban ng 20 libong fingerlings para sa 18 walong barangay nito.