KAAKIT-AKIT NA HUGIS, KULAY AT KAKAIBANG ANYO NG MGA KABUTE, MATATAGPUAN SA BAYAN NG NAMPICUAN
Sa aking paglilibot-libot ay natagpuan ko ang mga kaakit-akit na hugis, kulay, at kakaibang anyo ng mga kabute sa dating eskwelahan ng Recuerdo National High School Annex na matatagpuan sa Brgy. Cabaducan East sa Bayan ng Nampicuan.
Ang dating eskwelahan na ito ay inilipat sa mas maganda at mas malawak na eskwelahan na matatagpuan sa Brgy. Cabawangan at ito ngayon ang Nampicuan National High School.
Naging mushroom facility naman ang dating eskwelahan Matapos itong pagsikapan ng dating Mayor Ubaldino Lacurom sa pag-aapply hanggang sa mailipat sa pangalan at karapatan ng Local Government Unit ng Nampicuan ang property sa National Housing Authority.
Ang ilan sa mga silid aralan ay ginagamit para sa Mushroom Production at Processing.
Nalaman ko rin kung sino ang mga pasimuno sa Florotous Mushroom dito sa Bayan ng Nampicuan at sa paggawa ng mga fruiting bags nito.
Noong Nobyembre 8, 2013 ay inumpisahan ni Sir Arvin Bruno gamit ang kanyang sariling pera ang pagmarket test para sa mga kabute. Kasunod nito ay pag-imbita ng mga trainers mula sa DOST Muñoz upang magturo sa mga kababayan sa paggawa ng similiya ng kabute, paggawa ng fruiting bags at sa pag-aalaga rito.
Taong 2018 ang mag-asawang sina Alberto Roderos at Milagros Dumawa ang nagpatuloy sa pag-aalaga at paggawa ng mga fruiting bags ng kabute gamit ang sariling pera.
Kasama si Manang Annie Domingo na siyang taga-bantay at tumitingin sa mga kabute.
Silang tatlo ang mga matiyang nagpalago ngayon ng mga kabute sa Bayan ng Nampicuan. Pinahiraman na rin sila ng mga kagamitan at pagsasanay ng Department of Trade and Industry (DTI) kung paano ito iproseso.
Ang mga inaaning kabute ay inilalako para ibenta sa mga taga- Nampicuan.

