PAGBEBENTA NG ORGAN, ISANG URI NG HUMAN TRAFFICKING – DOH

Nagbigay ng paalala sa publiko ang Department of Health na ang pagbebenta ng organ ay isang uri ng human trafficking.

Kaugnay ito sa na-raid na bahay ng National Bureau of Investigation o NBI sa Bulacan kung saan umaabot umano sa P200,000 ang ibinabayad sa mga illegal donor para sa kanilang kidney o bato.

Sinabi ni DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, ipinagbabawal ito sa sistema ng organ donation. Ang tanging tinatanggap lamang ng kanilang ahensiya ay ang mga voluntary donation at hindi ang ganitong klase ng kalakaran.

Bukod dito ay kinakailangang dumaan sa mga proseso ang organ donation tulad ng medical screening at medical clearance upang maging matagumpay ang transplant.

Ayon kay Atty. Gaby Concepcion ng Kapuso sa Batas, hindi naman kakasuhan o ikukulong ang mga nagbebenta ng kanilang bato dahil biktima lamang sila dala ng kahirapan sa buhay.

Sa ilalim ng RA 9208 o Anti-Trafficking Law, makakasuhan ang mga recruiter na naghahanap nang magdo-donate o bibili ng kidney. Ito ay may multa na nagkakahalaga na P1 hanggang P2 milyon at pagkakakulong ng hanggang P20 taon.

Ang tatlong suspek na tumatayong caretaker ng bahay at tagapangalaga ng biktima kasama ang itinuturong nurse ng National Kidney Transplant Insitute o NKTI ay lumabag sa naturang batas kaya kinasuhan na ang mga ito ng paglabag sa Expanded Human Trafficking Act.

Maaari naming matanggal sa trabaho ang nurse na nasangkot sa umano’y illegal na pagbebenta ng bato ayon sa pamunuan ng NKTI kung ito ay mapapatunayang nagkasala. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pag-iimbestiga ng naturang ospital.