ADBOKASIYA KONTRA KAHIRAPAN, NAIPANALO NG BATANG NOVO ECIJANA SA MISS HOMELAND PHILIPPINES 2024

Naniniwala ang 10 taong gulang na konteserang Novo Ecijana na si Faye Lindsay Eduardo na ang edukasyon ang solusyon upang wakasan o tapusin ang siklo ng kahirapan sa isang pamilya, ito ang kanyang adbokasiya na naipanalo niya sa Mister and Miss Homeland Philippines 2024.

Sa kanyang murang edad ay batid ni Faye na hindi lahat ay nagkakaroon ng dekalidad na edukasyon at kalusugan dahil sa kahirapan, kaya nais niyang maging boses ng kabataan at magkaroon ng positibong impluwensya sa kanilang buhay kaya isunusulong niya ang pagsuporta sa mga ito.

Matapos ang serye ng kompetisyon kabilang ang close panel interview, long gown competition, national/cultural costume competition at question and answer portion, kung saan nakalaban niya ang talumpo’t anim pang mga kalahok, mula edad apat hanggang apat napo, ay kinoronahan si Faye bilang Miss Homeland Philippines Little Tourism Ambassador 2024.

Nakuha din niya ang Best in Introduction Video, pasok sa Top 5 Best in interview, Top 5 Best in Set Card, at Top 5 Best in National Costume.

Naging tema at sentro ng kanyang cultural costume ang pinagsama-samang inspirayon mula sa pagiging Rice Granary of the Philippines ng probinsya upang itampok at bigyang pugay ang sipa at lakas ng mga magsasakang Novo Ecijano, at ang ilang festivals tulad ng Taong Putik.

Dahil sa pagkakapanalo ay magiging kinatawan si Faye ng lalawigan ng Nueva Ecija at ng bansa sa The
Homeland International na gaganapin sa bansang Nepal.

Isa sa kanyang inspirasyon at tinututukan ngayon ay ang mas malawak na pamamahagi ng mga school supplies o mga gamit sa eskwela para sa mga kababayan niyang mag-aaral, kung saan nauna na siyang nagpamahagi sa mga mag-aaral ng Sitio Kaingin, Brgy. Sto. Tomas North, Jaen, Nueva Ecija na matinding sinalanta ng nagdaang bagyo noong nakaraang taon.