BANDA NG MGA ESTUDYANTE, NAMAMAYAGPAG SA LOKAL NA INDUSTRIYA NG MUSIKA
Nagmula sa magkakaibang grupo hanggang sa naisipang bumuo ng sariling banda ang anim na estudyante ng Nueva Ecija University of Science and Technology na ngayon ay namamayagpag sa lokal na industriya ng musika.
Ayon kay Lara Mae Legaspi, bokalista ng ELEP Band, nagkasama-sama siya at sina Bronson Marcelo, Bassist; Antonio Cabañing Bago Jr., Drummer; Joshua Dela Cruz Dumlao, Keyboardist; Raven Rimando, Saxophonist; Cedrick Angeles, Lead Guitarist, na mga edad bente hanggang bente sais sa school band sa cultural club sa NEUST.
Nang magkaroon ng battle of the bands sa kanilang eskwelahan ay naisipan nilang buuin ang ELEP Band noong Pebrero ngayong taon.
Habang naghahanda para sa aktibidad ng kanilang unibersidad ay nabalitaan din nila ang inter-school competition sa MVGallego Foundation Colleges at sumabak sa kompetisyon kung saan nakuha nila ang kampeonato.
Panalo din ang grupo sa naging battle of the bands sa kanilang paaralan, kaya naman naisipan na rin nilang ituloy ang kanilang grupo at sumali na rin sa iba’t ibang labanan kung saan anim na kompetisyon na ang kanilang ipinanalo.
Kamakailan lamang ay nanalo ang ELEP band sa RMusic Fest Battle of the Bands elimination round sa Robinsons Gapan kung saan patuloy silang gagawa ng ingay sa lokal na industriya ng musika bilang kinatawan ng lalawigan ng Nueva Ecija sa gaganaping RMusic Fest Battle of the Bands Grand Finals sa Robinsons Starmills, Pampanga, sa July 20, 2024.
Limang buwan matapos mabuo ang grupo ay nagkaroon na sila ng tatlong komposisyon na pinamagatang Sisa na tumutukoy sa depresyon noong pandemic, Ipagmalaki NEUST na kanilang naging winning piece sa naturang eskwelahan at ang SOL na love song na kasalukuyan pa nilang binubuo na patungkol sa pagiging delusional.
Inaasahan namang mairerelease ng ELEP band ang kanilang mga awitin sa Ber Months habang ang kanilang performance ng Ipagmalaki NEUST ay mapapanuod at mapakikinggan sa kanilang facebook page na ELEP.
Sinabi ni Lara na napakahalaga sa pagbuo ng banda ang pagiging bukas at pagtanggap sa mga suhestiyon at ideya ng mga kagrupo.

