HIGIT P2-TRILLION, AMBAG NG TURISMO SA EKONOMIYA NG BANSA, IPINAGMALAKI NI PBBM

Ibinida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang malaking kontribusyon ng turismo sa ekonomiya ng bansa na umabot sa P2.09 trilyon noong 2023.

Sinabi ng Punong Ehekutibo, ang P2.9 trillion ay 48 percent na mas malaki sa P1.41 trillion Tourism Direct Gross Value Added o TDGVA noong 2022.

Ang nasabing halaga ay kumakatawan din sa 8.6 porsiyento ng Gross Domestic Product o GDP ng bansa o P2.09 trillion na nasa humigit kumulang na US$35 billion.

Sa talumpati ng Pangulong Marcos sa opening ceremony ng ika-36th Joint Meeting of the United Nations Tourism Commission for East Asia and the Pacific and the UN Tourism Commission for South Asia na ginanap sa Cebu City, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng turismo sa ekonomiya at lipunan.

Sa pamamagitan ng Department of Tourism ay nalampasan ng gobyerno ang 2023 tourist arrival target na 4.8 million matapos maitala ang 5.45 million international tourists.

Batay sa datos, ang International tourist arrival sa Pilipinas ay pumalo sa 2.9 million mula Enero hanggang Marso 2024 na nasa 38.1 porsiyento na ng 7.7 million tourist arrival target ngayong taon.

Nagpahayag ng optimismo si Pangulong Marcos na ang 36th Joint Meeting ng UN Tourism Commission para sa Silangang Asya at Pasipiko at ng UN Tourism Commission para sa Timog Asya ay hahantong sa mas mahusay na mga kasanayan at mas maraming pagdating ng turismo sa Pilipinas at sa buong mundo.