4 NA ARAW NA OPERATION LIBRENG TULI, ISINAGAWA SA GAPAN DISTRICT HOSPITAL
Maagang nagpuntahan ang mga batang nagpatuli sa Gapan District Hospital, hindi para maglaro kundi harapin ang hudyat ng kanilang pagbibinata.
Habang bakasyon ay sinamantala nila ang pagkakataon para mag patuli. Kahit kabado dama ng mga bata ang saya.
Iba-iba ang kanilang reaksiyon, ilan sa mga binatilyo kinakabahan, ang iba naman gustong umiyak pero nahihiya lang.
Taon taon tuwing bakasyon isinasagawa ang Operation Libreng Tuli sa Gapan Dist. Hospital para matulungan ang mga magulang na walang kakayahang magbayad sa mga private clinic.
Ayon kay Jonathan Madulid OIC admin. Officer ng ospital, sa loob ng apat na araw na kanilang libreng tuli ay hindi lamang lungsod ng Gapan ang kanilang sinerbisyohan maging karatig bayan sa 4th District na kinabibilangan ng Cabiao, San isidro, PeƱaranda, Gen. Tinio at San Leonardo na kanilang ipinagpapasalamat kay Gov. Oyie at sa Bise Gobernador Doc Anthony Umali.
Ayon naman sa mga magulang, napakalaking tulong at ginhawa para sa kanila ang programang ito nila dahil nasa 2 hanggang 3 libong piso ang bayad ng pagpapatuli na maipambibili na umano nila ng halos 50 kilos ng bigas, ulam at mga pangunahing pangangailangan sa bahay.
Ang pagpapatuli ay higit pa sa pagtangkad at pagbibinata, importante sa mga lalaki ang nagpapatuli, tradisyon na ito para sa mga binatilyo at inaalis ang ekstrang balat kung saan pwedeng naiipon ang mga dumi na maaaring magkaroon ng sakit o impeksiyon.
Kadalasan makirot at inaabot ng isang lingo ang pagpapagaling ng sugat. Pero walang dapat na ipag aalala, dahil bukod sa libreng tuli ay may libreng gamot na antibiotics at pain reliver na ibinibigay sa kanila.
Paalala ng mga Doctor 2 beses sa isang araw lilinisin ang sugat ng bagong tuli, maligo araw araw at uminom ng gamut para maiwasan ang impeksiyon.

