Isang kuwento ng pagtitiyaga at pag-asa ang isinulat ng isang kabataang Pilipino matapos niyang lampasan ang mga hamon ng kahirapan at maabot ang tagumpay sa larangan ng propesyon.
Si Atty. Jeric Amor Villanueva ng Paniqui, Tarlac, isang dating benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ay opisyal nang kabilang sa hanay ng mga bagong abogado matapos pumasa sa 2025 Bar Examinations.
Sa ibinahaging istorya ni Peng de La Rama sa social media tungkol sa buhay ni Jeric ay napag-alaman na bata pa lamang ay mulat na siya sa bigat ng kakulangan, bilang isang 4Ps monitored child, naranasan niya umanong mag-aral sa gitna ng kakapusan, kulang sa kuryente, internet, at maging sa pambayad sa matrikula.
Base sa post ng DSWD Field Office 3- Central Luzon, inamin ni Jeric na hindi romantiko ang kahirapan, at taliwas sa madalas na paniniwala, ito ay tunay na hadlang sa pag-abot ng pangarap.
Aniya, mahirap mangarap kapag iniintindi mo kung saan kukuha ng makakain o pambayad sa pag-aaral, dahil dito, minabuti niyang pag-igihin ang kaniyang ginagawa at sulitin ang bawat oportunidad na dumarating.
Bago pa man niya makamit ang titulo bilang abogado, nauna na niyang napagtagumpayan ang pagsusulit upang maging Certified Public Accountant (CPA).
Habang nag-aaral ng abogasya sa Tarlac State University, pinagsabay niya ang pagtatrabaho bilang part-time teacher at bookkeeper upang masuportahan ang kaniyang sarili at pamilya.
Sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan, hindi nag-iisa si Jeric, dahil sa tulong ng kaniyang mga kaklase, guro, at ilang abogado na naniwala sa kaniyang kakayahan, nabigyan siya ng scholarship at suporta upang makapagpatuloy at makapagtapos ng pag-aaral.
Kinilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tagumpay ni Jeric bilang patunay na epektibong pamumuhunan ang edukasyon upang maputol ang siklo ng kahirapan.
Ayon sa ahensya, ang 4Ps ay patuloy na nagsisilbing pundasyon para sa mas maliwanag na kinabukasan ng mga kabataang Pilipino.
Sa ngayon, baon ang matinding pasasalamat, may mensahe si Atty. Villanueva sa kapwa niya 4Ps beneficiaries: gamitin ang tulong ng pamahalaan bilang hagdan, hindi sandalan. Aniya, darating ang panahong ang mga tinulungan ngayon ay sila namang tutulong sa susunod na henerasyon.

