P3.2-BILLION, UTANG NG CABANATUAN CITY PARA SA MGA NAKATENGGANG PROYEKTO
Tumataginting na P3.2 billion ang utang ng Pamahalaang Panlungsod ng Cabanatuan na nakalaan umano sa mga pagawaing proyektong kalsada at tulay.
Nahahati sa tatlong ordinansa ang nasabing utang, una, ang Ordinance No. 072-2021 para sa higit P2.6 billion para sa mga proyekto sa mga barangay, kabilang ang dalawang bagong palengke ng lungsod.
Matatandaan na ininvalid ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang Ordinansa na nagtatakda ng goodwill rates para sa mga palengke, dahil sa pagbabayad ng 50% downpayment para makakuha ng puwesto at 50% sa araw ng pag okupa nito at sa malabong halaga kung magkano ang ibabayad sa bawat stall.
Sumunod ang Ordinance No. 018-2022, para sa higit P270-million na mula sa hindi nagamit na inutang ng City Government noong 2018 na ni-realign upang magamit sa konstruksyon ng Emilio Vergara-Nueva Ecija-Aurora Flyover at Emilio Vergara Highway-Lakewood Flyover.
Ang dalawang nasabing ordinansa para sa utang ng Cabanatuan ay inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong October 2022.
Samantala, kasalukuyang nakabinbin sa Sangguniang Panlalawigan ang Ordinance No. 016-2022 na may halagang P273,643,872.72, para rin sa konstruksyon ng Emilio Vergara-Nueva Ecija-Aurora Flyover at Emilio Vergara Highway-Lakewood Flyover.
Dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsa-submit City Government ng Cabanatuan ng NET debt service ceiling. Ang NET ay batayan para sa kakayahan ng isang LGU na magbayad ng kanilang utang habang ang Ceiling naman ang nagtatakda ng limitasyon sa maaaring utangin ng LGU upang maiwasan ang sobrang pagkaka utang na maaaring mag dulot ng krisis sa LGU.
Ayon sa Section 324b ng The Local Government Code of the Philippines Book I, kinakailangan masiguro na ang inuutang na halaga ng lungsod ay hindi lalagpas sa 20% ng regular na kita ng Local Government Unit.
Ito ay nagsisilbing assessment upang makasiguro na mayroong kakayahan ang City Government na makapagbayad ng kanilang inuutang na halaga.
Kung sakali na makapag sumite ang City Government ng certificate na nagpapatunay o nag bibibgay ng clearance mula sa NET debt service ceiling ay maaaring maaprubahan ang ordinansa.
Sa kabila ng bilyon-bilyong utang ng Cabanatuan ay hindi naman mapakinabangan ang mga sira-sirang kalsada at tulay na nakapalood sa 50-year master development plan ng City Government dahil halos taun-taong kinukumpuni at hindi na matapos-tapos ang mga ito.
Ilang taon na ang lumipas hanggang ngayon ang mga daanan sa lungsod ay patuloy na nagdudulot ng perwisyo hindi lamang sa mga bumibyaheng motorista, kundi lalo na sa mga mamamayang nagbabayad ng buwis upang mabayaran ang inutang na pondo para sa mga nakatenggang pagawaing proyekto.

