MGA LGU, KINALAMPAG DAHIL SA UMANO’Y HINDI PAGBIBIGAY NG P1K BUWANANG ALLOWANCE SA MGA MAHIHIRAP NA SOLO PARENT
Malaking tulong para sa mga solo parent na kakapiranggot lamang ang sahod ang karagdagang P1,000 na buwanang subsidiya lalo pa’t nagmamahal ang mga bilihin ngayon.
Sa ilalim ng Expanded Solo Parent Welfare Act of 2922 o Republic Act 11861, dapat buwanang bibigyan ng mga local government units ng P1,000 subsidiya ang mga low income solo parents.
Sinabi ni ACT-CIS at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na may ilan ng sumbong sa kanilang tanggapan na hindi umano nagbibigay ang mga lokal na pamahalaan ng monthly subsidy para sa mga solo parent kaya naman kinalampag na ng kongresista ang mga LGU.
Nabatid din ni Tulfo na may ibang mayayaman na lungsod sa National Capital Region na P500 lamang at every other month pa ang ipinagkakaloob na allowance sa mga ito.
Naiintindihan naman ng dating DSWD secretary kung ang mga maliliit o mahihirap na bayan na nasa 4th to 6th class municipalities ay hindi maibigay ang buwanang subsidiya sa solo parent pero hindi dapat pumalya ang mga mayayamang lungsod.
Dahil dito ay pag-aaralan ng mambabatas kung papaano o saan kukuha ng pondo para sa solo parent ang mga mahihirap na LGU.

