DALAWANG 4 WHEEL TRACTORS, IPAGKAKALOOB NG PHILMECH SA PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Pinagtibay sa 16th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na tanggapin at pumirma sa Deed of Donation mula sa Department of Agriculture-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHILMECH) para sa pagkakaloob ng dalawang yunit ng 4 wheel tractor alinsunod sa implementasyon ng Mechanization component ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Ayon kay Acting Provincial Agriculturist Doc. Jobeat Agliam, ang donasyon ay ang tuloy-tuloy na programa ng RCEF sa pamamahagi ng mga makinaryang pambukid sa mga Farmer Cooperatives at Associations at sa mga Local Government Units.

Aniya, sa pagkakataong ito ay muli nanamang tatanggap ang Provincial Government ng mga makinarya kaya nagpapasalamat sila sa PhilMech dahil palagi nilang kinokonsidera ang mga kahilingang kagaya nito.

Sinabi din ni Agliam na walang kinakailangang gastusin ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagtanggap ng mga makinaryang ito at ang tanging kailangang maisguro ay ang pagmementina at pangangalaga sa operasyon ng mga ito.

Komento naman ni Bokal Raprap Villanueva na malaki ang maitutulong ng mga farm machineries na ito sa mga lokal na magsasaka at sa mataas na produksyon ng palay sa lalawigan.