Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, na matatapos sa lalong madaling panahon ang mga naantala at hindi pa tapos na infrastructure projects sa Mabalacat, Pampanga at Angeles City, kahit limitado ang pondo ng ahensya.
Kabilang sa mga prayoridad ng DPWH ang Santo Cristo Flyover Project sa Angeles City na tatlong taon nang delayed.
Personal itong ininspeksyon ni Secretary Dizon at iniutos ang agarang paglabas ng pondo upang tuloy-tuloy na ang konstruksyon.
Target na makumpleto ang flyover sa Hunyo taong 2027.
Ayon sa DPWH, ang one-kilometer flyover ay sinimulan pa noong 2023 at maaari sanang matapos sa loob lamang ng isa’t kalahating taon kung hindi naging paunti-unti ang pag-release ng budget.
Kapag natapos, magsisilbi itong alternative route para maibsan ang matinding trapiko sa MacArthur Highway sa Angeles City.
Samantala, noong February 1, 2026, nag-deploy na ang DPWH ng heavy equipment para simulan ang konstruksyon ng 90-meter link na magdurugtong sa Sta. Ines tip ng NLEX at sa 1.2-kilometer Atlu-Bola Bypass Road.
Inaasahang matatapos ang proyekto sa loob ng dalawang buwan at makakatulong ito sa pagluwag ng trapiko sa Sta. Ines–MacArthur Highway–Mabalacat Gate (Velasquez St.).
Ang mga proyektong ito ay bahagi umano ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pabilisin ang pagkumpleto ng lahat ng pending projects ng DPWH upang mapabuti ang daloy ng trapiko at mapadali ang pamumuhay ng mga motorista at residente sa lugar.

