Dalawang Pinoy sa Winter Olympics 2026
Dalawang atletang Pinoy ang nagdala ng bandila ng Pilipinas sa Winter Olympics 2026 sa Milano Cortina, Italy. Sina Francis Ceccarelli at Tallulah Proulx ay parehong alpine skier na sumabak sa slalom at giant slalom events.
Si Francis Ceccarelli ay ipinanganak sa Pilipinas ngunit lumaki sa Italy matapos ampunin ng kanyang mga magulang na Italyano. Ito ang kanyang unang sabak sa Olympics kaya malaking hakbang ito sa kanyang sports career.
Samantala, si Proulx ay mula sa Utah, Estados Unidos at kinikilalang pinakabatang Pinay na lumahok sa Winter Games.
Giant Slalom Results sa Winter Olympics 2026
Unang sumabak ang dalawang atleta sa giant slalom event ng Winter Olympics 2026. Sa women’s giant slalom, nagtapos si Proulx sa ika-52 puwesto sa kanyang Olympic debut.
Habang nagtapos naman si Ceccarelli sa ika-54 na pwesto men’s giant slalom.
Ceccarelli Bumagsak sa Slalom, Proulx May Laban pa
Matapos ang giant slalom, sumabak si Ceccarelli sa slalom event noong February 16 sa Stelvio Ski Centre.
Gayunpaman, naging mahirap ang kondisyon ng track dahil sa malakas na snowfall. Sa kanyang unang run, nadulas at bumagsak si Ceccarelli kaya hindi niya natapos ang karera.
Dahil dito, tuluyang natapos ang kanyang laban sa slalom event. Sa kabuuan, 42 atleta ang hindi rin nakatapos ng kanilang runs dahil sa delikadong course.
Samantala, magbabalik si Proulx sa Miyerkules, February 18, para sa women’s slalom event.

