KABATAAN: Sa nalalapit na ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution, muling binigyang-diin ni Senador Bam Aquino na ang EDSA ay isang “unfinished revolution.”
Marami kasi aniya sa mga ipinaglaban noong 1986—lalo na ang laban sa korapsyon—ang hindi pa lubos na nakakamit.
Binigyang-halaga rin ni Sen. Aquino ang papel ng media sa EDSA, partikular ang “Radyo Bandido,” na naging tinig ng mamamayan nang bombahin at patahimikin ang Radio Veritas.
MGA KABATAAN, HINAHAMON NA TUPARIN ANG PANGAKO NG EDSA “UNFINISHED REVOLUTION”
Sa gitna ng historical revisionism at digital misinformation, iginiit ni Sen. Aquino na mahalaga ang papel ng media at pagkukuwento sa pagpapatuloy ng laban.
Aniya, ang sentro ng People Power ay hindi lamang pulitika kundi ang pagkakaisa ng mamamayan. Ang tagumpay ng EDSA ay hindi dahil sa mga pulitiko kundi sa tapang at pagkakaisa ng karaniwang tao.
Bilang bahagi ng paggunita, gaganapin ang “PEOPLE POWER 40 sa QC Kickoff Concert: Awit at Aksyon kontra Korapsyon” sa February 21, 2026 sa Quezon Memorial Circle.
Kasabay nito, magkakaroon din ng iba’t ibang paggunita sa Visayas at Mindanao bilang paalala na nagpapatuloy ang laban ng mamamayan.

